Fall For You

fall nami island korea

Neejangsan National Park…

Samcheongdong…

Asan Gingko Tree Road…

Nami Island…

Ano ba ‘tong mga pangalan ng lugar na ‘to? Parang pagkain lang.. Sana masarap talagang puntahan ‘tong mga ‘to… 

Kinokopya ko lahat ng lugar na dapat kong puntahan… Wala din naman kasi akong alam doon sa Korea. Sina Jo In-sung, Gong Yoo at Ji Chang Wook lang ang alam ko! Kaya Google is life talaga…

“Huuuuy! Ano na namang ka-nerdan ang ginagawa mo dyan?” 

Naku! Nandito na naman ang ulupong na ‘to!

“Gagawa ako ng itinerary para Korea noh! Wag mokong guluhin!” Kunot-noo kong sinabi kay Clark, ang Kuya-kuya kong makulit pa sa makulit.

Inagaw nya sa akin ang laptop at binasa ang mga travel blog na nakabukas. Syempre, suot na naman nya ang hoodie nyang paborito. Gray na malaki at mukhang hindi kumukupas kahit nakailang suot na.

“Binabasa mo pa ‘to lahat eh pare-pareho lang naman ang laman?!”

O diba nakakaasar? 

“Hello? Yan ang tinatawag na research! Syempre may ibang info na hindi available sa iisang article noh!” May pina-roll eyes pa ako. “Tumabi ka nga dyan!” Kinembotan ko sya paalis sa upuan. Ha!

Wag nyo kaming i-judge. Ganyan lang talaga kami mag-usap sa isa’t isa. Yung tipong puro asaran pero walang pikunan kahit normal na conversation. Pero pag seryoso naman ang topic, seryoso din naman kami mag-usap…. medyo.

“Bili nalang muna ako ng pagkain, Kamahalan. Magpakabusy ka muna dyan.” Hinubad nya ang hoodie nya at iniwan sa katabing upuan. 

Sniiifffff…

Yang amoy na yan, ilang taon ko na yang nalalanghap. Memorize ko na ata perfume, sabon pati amoy ng pawis nito eh! Close ko kasi talaga tong si Clark. Di ko na maalala kelan pa kami naging ganito ka tight pero alam ko, nakailang teams na si LeBron, nakailang boyfriend na si Taylor at nakailang bagyo nang lumipas, nandito na yan sya namemeste sa buhay ko. Sya din naman ang sandalan ko sa mga problema, kaagapay ko sa kahirapan AKA short na sa budget, kaconnect ng utak ko AKA same level kami ng jokes kahit corny na at basta wala atang importanteng ganap sa buhay ko na wala sya. Kung i-label nga kami ng mga tao, best friends daw. Eh may best friend din naman akong babae? Nagmigrate na nga lang sa ibang bansa… Tsaka ayoko ng best friend best friend noh. Marami kayang nadisgrasya sa ganon! Kaya since 2 years naman ang agwat namin, Kuya-kuya nalang sinasabi ko.

Nilapag nya ang cake sa lamesa.

“Isa lang binili ko, Ems. Dollars pala presyo dito eh! Ang liit naman ng cake! Share nalang tayo,” offer niya.

As usual, sa akin yung portion na may frosting. Lahat kasi ng pagkain na shineshare namin, binibigay nya ang masasarap saken. Perfect Kuya.

Pagkatapos kong gumawa ng itinerary sa coffee shop, umuwi na kami sa mga bahay namin. Nag last minute packing pa ako at siyempre, nag daydream.

Sana makita ko doon si Lee Min Ho… Or kahit si Park Bo Gum man lang… Sana magkamoment naman ako na parang pina Do Bong Soon ng Strong Woman… Or yung Goblin ba kaya….

Ewan ko lang kung nahalata nyo pero K-drama fan ako. Hindi naman bonggang bongga to the highest level na kabisado ko na ang buhay ng mga Korean na artista pero mahilig lang talaga akong manood ng movies nila. Ang kilig kasi kakaiba!

Thank you sa Ate kong mahilig magtravel, may free miles sya na transferrable to family. Kaya itong trip na ‘to, advanced birthday gift nya ‘to saken! Alabyu, te!!!

“Ladies & Gentlemen, we are now approaching Seoul. Local time is 08:00…”

Ito na talaga. Legit ko na talagang magagamit ang mga Annyeong haseyo ko!

Nagwash up muna ako sa hotel at kumain. Alam mo na, sayang din ang free breakfast… Pagkatapos kumain, una kong pinuntahan ang Gyeongbok-gung. Doon ay nag arkila muna ako ng hanbok para kahit papano, magmukhang Korean naman ako ng ilang oras.

Gyeongbokgung Palace…

Changdeokgung…

Bukchon Hanok Village…

Insa-dong…

Ang ganda dito sa Korea! Parang nakafilter na lahat! Kahit mga Koreans parang filtered ang mga mukha sa linis! Ang ku-kyut pa ng mga couples and families, mahilig sa terno. At hindi corny tignan. Parang straight out of the magazine ang peg.

Chineck ko ang oras. 12:46. Lunchtime na?! Sa enjoy ko, di ko na namalayan ang oras…

Mmm, di naman ako gutom. Mamaya nalang ako kakain…

Maliban sa makakatipid ako kung iisahin ko nalang ang lunch and dinner, inisip ko mas marami akong macocover na lugar kung didiretsohin ko na ang pagtour. Dinukot ko muna ang cellphone ko sa bulsa at nag selfie.

“ANG GANDA DITO!!!! PERO MAS MAGANDA AKO!!! 😋” Sinend ko kay Clark.

Sa Insa-dong, maraming shops at cafes. Sa paglalakad ko ay mag nakita akong Souvenir Shop. Binilhan ko na ang pamilya ko, ang tropa kong K-drama fanatics din tulad ko, at si Clark. T-shirts, magnets, cute Korean socks, plush toys, candies at kung anu-anong bagay ang binili ko. May free Innisfree face masks ding pinamimigay lang so kumuha na ako… ng marami! Haha!

Matapos akong magshopping, sumakay ako ng bus patungog Chungmuro Station. Doon ko planong sumakay ng tren pa Nami Island.

Naglalakad ako pabalik-balik habang hinihintay ang tren. Kaya pa ba? Bukas ko nalang kaya puntahan? Tinignan ko ang phone ko. 1:40. Teka, di pa nagreply si Clark? Naglalaro na naman yun ng Mobile Legends nya. Haha!

Biglang may humablot saken at dinikit ako sa pader. Ang mukha nya nakaharap sa mukha ko, ang hininga nya nahihinga ko.

“Di kita aanuhin. Sumabay ka lang sandali, please.”

Uy Pinoy din? Yan ang unang naisip ko. Hindi ko alam paano magreact. Nakatunganga lang din ako na para bang biglang huminto ang oras.

Ba’t parang Koreano din ang mukha nito? Pero solid naman sya mag tagalog? Tinitigan ko sya sandali. Medyo singkit, matangos ang ilong, maputi at makinis ang balat… at mabango.

Binitawan nya na ako.

“Pasensya na po, Miss. May pinagtataguan lang ako.”

“Bakit, kriminal ka ba?”

Napatawa sya konti. “Hindi, umalis kasi ako sa amin. Pinapahanap ako ni Dad… Mahabang storya. Pero tara, treat kita bilang pasasalamat!”

“Huh?” Andami namang sorpresa ng lalaking ‘to. Tinanggal ko ang kanyang kamay sa kamay ko. “Wag na. Okay na ako dito. Pupunta pa ako ng Nami eh.”

“Gusto mo samahan nalang kita bukas? I-tour nalang kita ngayon dito! First stop: Pildong Myeonok!”

Kumain kami ni James ng naengmyeon habang nagkwentuhan. Sa maikli na panahon na iyon ay parang nakilala ko sya ng lubos. Hindi lang yung family background nya na nasa business sila, pero pati yung mga bagay na pakiramdam ko medyo malalim na. Siyempre, hindi naman ako nagtitiwala agad. Hindi din naman ako tanga. Pero minsan kasi, sa sobrang pagiging maingat ng tao, sa takot na maloko o masaktan, parang sinasara na nila ang pintuan nila para makakilala ng iba. Hindi ako ganon. Siyempre kung magkasama kayo, doon lang sa mga public places na maraming tao. At hindi ako sasakay ng private car kasama sya. Buti nalang at wala naman syang ganoong invitation. 

Ang saya nyang kasama. Para bang… nasa isang K-drama kami?

Ito na kaya? Ito na kaya ang K-drama life ko?

Pagbalik ko sa hotel, tinawagan ko kaagad si Clark via Skype. Kinwento ko sa kanya ang lahat at aniya ay nakuha ko na talaga ang K-drama life na gusto ko.

“Uy Ems! Nadownload ko na ang Suite Thing!”

Ang Suite Thing ay isang American TV series na sinusundan namin. Sabi nga nila, pang chicks daw ‘tong palabas na ‘to. Pero ewan ko, gustong gusto din ni Clark eh. Dinodownload nya palagi para manood kami.

Hinarap nya ang laptop nya sa TV nila para sabay kaming manood. Kumakain pa kami ng kanya-kanyang chips habng sabay na nanonood ng Suite Thing. O diba? Para-paraan lang din yan…

Kinabukasan, sinundo ako ni James sa lobby ng hotel. Sabay kaming pumunta ng Nami Island… ANG GANDA!!! Punong puno ng yellow at orange ang lugar dahil Fall season. Para akong nasa TV!!!! Exciting!!!!

Nagpulot ako ng ilang dahon. Iba’t ibang kulay at hugis. Pinasok ko ang mga ‘to sa isang maliit na Ziploc bag at itinago. Bigay ko ’to kay Clark kasi walang ganito sa amin…

Panay photo-op ako doon. Mukhang nag eenjoy din naman syang maging photographer. Bawat minuto, kumukuha pa nga ng stolen shots.

“Punta tayo sa Gangchon Rail Park. Sakay tayo sa rail bike!” sabi niya.

Habang nakasakay kami, nagpipipicture pa rin ako. Ngayon, nasa saken na ang camera so feeling photographer na muna ako… 

Isang beses, pagkatutok ko ng camera sa kaliwa kung saan sya nakaupo katabi ko, nakita ko sa lens na nakatitig lang sya saken. Alam mo yung tingin na parang nakakatunaw? Teka lang ha, baka naapakan ko na ang long hair ko…

Bigla syang nag make ng funny faces. Hindi ko namalayan, nakahinto na pala ang camera sa mukha nya… ng medyo ilang segundo na rin! Nakakahiya!

Tinanggal nya ang camera sa mukha ko at kinuskos ang ilong nya sa ilong ko. The eskimo kiss! Shet lang sa kilig!

“Ang cute mo talaga!” sabi nya.

Sa ilang araw na natira ko sa Seoul ay kasama ko siya, simula breakfast hanggang dinner. Masarap syang kasama… Masaya… Pero, bakit parang may kulang? Kinikilig naman ako sa mga palovey-dovey moments? Bakit parang… mas ninanais kong si Clark ang kasama ko? Bakit naiisip ko na sana may ganito din kami ni Clark? Nahihibang na ba ako???

Hindi ko alam kung bakit pero sa bawat minuto na kasama ko si James ay nageenjoy ako pero madalas kong naiimagine na sya si Clark. Hindi pwede ‘to. Gaga ka, Emily! Kuya-kuya mo yan, huuuuuyyy!

Ilang gabi ko din ‘tong inisip. Ilang panaginip ang natamasa. Biglang may kakaibang lundag ang puso ko pag naiisip, nakikita o nakakausap ko si Clark. Pero bawal eh. Off limits. Ilang beses na nga kaming nagusap sa Skype na pinigilan ko ang sarili kong mag “I love you.” Ano, baliw lang? 

Pero bakit kaya, noh? Bakit madali pero mahirap magkagusto sa kaibigan? Bakit palaging may pakiramdam ng pagpigil? Hindi ba meant ang kaibigan maging ka-ibigan?

“Ladies & Gentlemen, welcome to Manila…”

Sobra sobra ang kaba ko. Kumakabog ang dibdib ko na parang di ako makahinga… Wait lang. Ba’t ba ako kakabahan eh si Clark lang yan?

Shets. Kabado talaga ako na ewan. Yung tipong sobrang excited akong makita sya… gusto kong tumalon payakap sa kanya, parang sa movies… gusto ko syang amuyin.. langhapin… Ooohh hindi pwede ‘to. Umayos ka, Emily. 

Pwede dito nalang ako sa eroplano? Pwede hindi nalang muna ako bababa? Paano ko haharapin ang matagal ko nang kaharap pero ngayon ko lang minahal ng ganito? Paano kung magkagirlfriend sya isang araw at syempre alam ko lahat… Kaya ko kayng maging masaya ‘pag masaya sya sa iba? Advance na yata ako masyado mag isip…

Sinuri ko ang eroplano. Ako nalang ata ang hindi pa nakaalis. Dahan dahan akong tumayo, hinila ang bag ko sa overhead bin, at pa-poise na lumabas patungong Arrival Area.

Paglabas na paglabas ko, kitang kita ko na sya… Nakagray na hoodie… Ang cute! Hala, ano na ba ang nangyayari saken? Anong ang cute??!!! 

Nakangiti syang naghihintay saken sa kabila ng glass na divider. May dala pa syang sign na “I’m waiting for stupid.”

Sa isip ko, “Ikaw ang stupid! Mahal kaya kita!!!” Ang landi lang.

Teka lang, nanghihina ang mga tuhod ko. Kinikilig ako na excited, sobrang gigil na i-hug sya, pero syempre pinipigilan ko kasi baka mahalata! Masisira kaya ang friendship namin? Baka naman namiss ko lang sya, wala lang naman talaga ‘to?

“Kanina ka pa?” Pa-relax ko syang tinanong. Syempre kunyari wala lang, no feelings, walang pake.

Bigla nya akong niyakap ng sobrang mahigpit. As in mahigpit.

Ang bango nya! Pasekreto ko syang inaamoy. Syempre, para hindi obvious ang landi moves.

“Tumaba ka nga! I knew it!” sabi nya, sabay bitaw sa yakap.

“Ooohh kunyari ka pa eh gusto mo talaga akong yakapin! Miss moko noh?! Wag kang mag-alala. Medyo namiss din kita!” Pabiro kong asar, half-meant.

Kinuha ko yung pasalubong kong dahon sa kanya…

“Ito oh! Fall for you!!! Este, leaves of fall para sa ‘yo!”

Anak ng tokwa! Muntik yun ah! Whew!

“Ayy grabe. Sobrang salamat sa dahon! Walang ganito sa Pinas!” sabi niya. Ewan ko na kung biro o pang aasar. Walakompakealam! Basta ang alam ko may kakaibang pakiramdam sa puso ko na para bang nakakakuryente pero masakit pero masaya na hindi mo maintindihan.

“Oh ito kaya? May ganito ba sa Korea?” Inabot nya saken ang paborito kong bistek tagalog na galing sa paborito naming carinderia sa Monumento. Alam kong normal nya ‘tong ginagawa pero… BA’T KILIG NA KILIG AKO?!

Mag hunos-dili ka, Emily!!!! Si Clark lang yan!!!!

 

Gusto mo bang malaman ano ang susunod na mangyayari?

  • Oo! (100%, 1 Votes)
  • Hindi na. (0%, 0 Votes)

Total Voters: 1

Loading ... Loading ...

5

You may also like

Leave a Reply